Wednesday, March 10, 2010

Ang Pinagdaanang (Maiksing) Buhay ng Batang si Negro

A story worth telling and thinking about. Words and photos by Chris Linag.

Ang buhay ay maiksi lamang. Literal ang naging kahulugan nitong kasabihang ito kay Negro. Nung isang buwan natagpuan na lamang syang lumulutang sa ilog Pasig. Masyadong tragic ang naging pagkamatay ng pobreng bata.

Ang tanong nyo siguro ay kung ano ang kinalaman ko kay Negro. Nagsimulang lahat ito mula nung magsimula akong mag-street photography nuong October 2007. Sa aking kauna-unahang photowalk ko sya nakilala. Nakatira ang pamilya nya sa isang abandonadong building sa Escolta, katabi mismo ng Pasig Riverbanks. Ito na ang naging palaruan ni Negro at ng kanyang mga kababata. Wala man lang harang o railing ito na sobrang delikado lalo na sa mga batang tulad nila.

Maraming batang kalye na akong nakuhanan ng larawan at naging kaibigan. Nandyan si Kirara ng Quiapo Church, si RJ ng Baywalk, si Michael ng Sta. Cruz. Pero kay Negro na yata ako pinaka-na-attach. Itong batang ito, napakabibo at masiyahin. Ang tawag nya sa akin, Kuya Leon (pangalan ko sa flickr). Pag dumadalaw ako sa kanya, sasalubong kaagad yan at manghihingi ng barya para makabili sya ng kanyang paboritong ice cream sa Ministop. Game na game din si loko na mag-pose sa harap ng camera. Ilan sa mga paborito kong street portraits ay sya ang subject. Ginawan ko pa nga yan ng isang album sa flickr account ko. Sa multiply, dami rin syang litrato. Na-feature na rin sya sa Picture Perfect section ng Manila Bulletin.

Matagal-tagal rin mula nung huling dalaw ko kay Negro dahil naging busy sa paghahanda sa Bar exams. March 13, 2009 pa yun – 4th birthday nya. Nung Sabado lang ako ulit nakalabas sa kalye para makapag-shoot. Sinama ko ang ilan sa mga kaibigan dahil gusto ko ring makilala at makuhanan nila si Negro.


At dun ko na nga nalaman ang nakakalungkot na balita. Ang plano ko pa naman ay i-treat sya ng ice cream nung araw na yun. Pero wala eh, wala na sya. Nakaka-frustrate dahil di ko man lang nalaman agad ang sinapit nya. Nakadalaw man lang sana sa burol nya. Isang buwan akong late.

Naisip ko tuloy ang tunay na kalagayan ng marami sa ating mga kababayang nakatira sa kalsada. Kung may maayos na tirahan lang sana sila, hindi nangyari sa kanya to. Hay. Sana magawan ng paraan to ng mga pulitkong nangangako ng pagbabago at magandang bukas para sa mga batang mahihirap.

Kung nasaan ka man Negro, sana masaya ka dyan sa kinalalagyan mo.

Hanggang sa muli.

No comments:

Post a Comment