A few years back, we acquired the rights to the story, “Si Ninjang Kabayo at ang Ermitanyong Kalbo” by Andrea Lazaro, which you can read below.
We have big dreams for Ninjang Kabayo, including books, new adventures, merchandising… maybe even a movie. Who knows? But as we’ve learned, making big dreams come true begins with taking small steps.
So first things first - we are now looking for an intern who can illustrate and create the initial character studies for the two main characters of the story.
If interested, read the story and email three pen or pencil sketches of the characters from scenes from the story, together with your CV to internships@canvas.ph. If we like your work, we will contact you to set an interview appointment, and we will see how it goes from there.
If hired, you will (a) receive a modest (very modest, really) stipend for the project; (b) have a very nice entry for your CV; and (c) most importantly, get your foot in the door of (ahem) one of the most creative, cool, fun, laid back and innovative groups of artsy-fartsy people in the local art scene. Work is output-based, hours are flexible, and everyone telecommutes most of the time.
This is not a contest, so there is no deadline. Applications will be accepted anytime, but we will also hire as soon as we think we’ve found the right person.
====================================
"Si Ninjang Kabayo at ang Ermitanyong Kalbo"
ni Andrea Lazaro
Sa bayan ng Santa Angelina, may isang ermitanyo na nakatira sa taas ng Bundok Mapang-akit. Ayaw makihalubilo ng ermitanyong ito sa mga tao sa bayan. Subalit kahit pa man nag-iisa siya, may dalawang bagay na kinagigiliwan ang nasabing ermitanyo: una, ang alaga niyang kabayong si Ninja, at pangalawa, ang pagtugtog ng kanyang violin.
Simple lang naman ang dahilan ng ermitanyo kung bakit siya nahihiyang humarap sa mga tao -- kalbo siya. Kaya naman takut na takot siyang makita ng mga tao dahil iniisip niyang pagtatawanan siya. Di niya maintindihan kung bakit ayaw talagang tumubo ng buhok sa ulo niya. Sinubukan na niya ang lahat -- gamot, iba’t ibang brand ng shampoo, pati na samu’t saring anting-anting -- hindi pa rin tumalab.
Isang gabi, habang nakasakay ang ermitanyo sa likod ni Ninja at tumutugtog ng isang malungkot na piyesa sa kanyang violin, may nakitang bulalakaw sa langit ang dalawa. “Sabi nila,” ang bulong ni Ninja sa kasama, “may mahika raw ang mga bulalalakaw na makatutupad ng kahit anong kahilingan.”
At humiling nga ang ermitanyo. Ipinagdasal niya na sana, wala na lang buhok sa mundo. Sana, pantay-pantay ang lahat. Sana, lahat ng tao ay kalbo.
Maliwanang na ang sikat ng araw nang magising kinabukasan ang ermitanyo. Nagulat siya nang makita niya si Ninja sa paanan ng kaniyang kama. Kalbo si Ninja!
“Anong nangyari?” tanong ng ermitanyo na gulat na gulat. “Hindi ko nga maintindihan,” ang sagot ni Ninja habang kinakamot ang ngayo’y makinis niyang ulo. “Basta paggising ko na lang, wala na akong buhok.”
Hindi makapaniwala ang ermitanyo sa narinig at nagtatakbo siya sa bayan para masiguro kung nagkatotoo nga ang kanyang hiling. Baka naman kasi binibiro lang siya ni Ninja.
At ayun nga, matanda man o bata, babae o lalaki, tao o hayop, hindi kakikitaan ni isang tali ng buhok! Ang dalagang si Nena, wala nang maipusod. Ang makisig na binatang si Pepito, di na singkisig nang mawalan ng bigote. Ang asong si Itim, kulay puti pala ang balat. Magkakamukha silang lahat!
Nagmamadaling umuwi ang ermitanyo. Sa tuwa, naisipan niyang tumugtog ng isang masayang kanta. Ngunit pagbukas niya ng lalagyan ng violin, nagulat ang ermitanyo. Ang bow ng violin niya, walang kuwerdas!
“Anong nangyari sa kuwerdas ng bow ko?” iyak nya. “Bakit nawawala? Paano ako tutugtog ngayon?”
“Hindi mo ba alam,” sambit ni Ninja, “iyang kuwerdas ng bow mo, gawa rin sa buhok. Buhok ng mga kabayong gaya ko.”
“Anong gagawin ko? Hinde ko na matutugtog ang violin ko!” hagulgol ng ermitanyo.
Kinamot muli ni Ninja ang kanyang makintab na ulo at nag-isip siya nang matagal. Namalas niya ang kade-deliver na diyaryo na nakapatong sa lamesa. Sabi ng isang headline, See The Leonids This Week!
“Masuwerte ka,” sabi ni Ninja, “panahon pala ng pagbagsak ng mga bulalakaw ngayon. Mag-abang ulit tayo mamayang gabi para humiling na bumalik sa dati ang lahat.”
“Pero kapag bumalik na sa dati, baka pagtawanan ako ng mga tao dahil ako lang ang kalbo sa buong Santa Angelina!”
“Matitiis mo ba ang buhay na walang musika?” usisa ni Ninja.
Nagbuntong-hininga ang ermitanyo. Tama si Ninja. Mas mahalaga ang musika sa kaniya.
Pagsapit ng gabi, nag-antay ang magkaibigan sa pagdating ng mga bulalakaw. Sa ningning ng unang bituing bumagsak sa lupa, humingi ng paumanhin ang ermitanyo at nagdasal na ibalik na ang mga buhok na nawala.
Ngunit hindi lang ang ermitanyo ang humiling ng gabing iyon. May hiling din si Ninja. Hiniling ni Ninja na sana, mawala na ang hiya ng kaibigan niya. Sana, magkaroon ito ng lakas ng loob at tiwala sa sarili.
At kinaumagahan nga, binati ang mga taong-bayan ng Santa Angelina ng masigla at matamis na tugtugin mula sa violin ng isang lalaking nakasakay sa isang kabayo.
Ang mga tao nama’y kumaway pabalik at nakangiting bumati ng “Magandang araw rin sa inyong dalawa, Ginoong Ermitanyo at Ninja!”
Saturday, May 22, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment